Hindi ko na maalala kung kelan ako unang nakakita ng dalawang taong naghahalikan. Foreign na show siguro yun, baka yung Beverly Hills 90210 na sikat noong dekada 90s. Bago pa mauso ang Gossip Girl at sina Blake Lively at Leighton Meester, ay meron nang Shannon Doherty na nakikipaghalikan sa lalalaking iniibig niya sa mayamang lugar ng Beverly Hills sa LA.
Sabi daw nakikipaghalikan ka sa taong mahal mo. Hangga’t naglalakbay na ang mga labi sa leeg, sa dibdib at bago pa magkomersyal, hubad na ang dalawang bida at sa next scene, may kumot na ang dalawa – hanggang baywang ng lalaki at hanggang dibdib naman ng babae.
Syempre bata pa ako nun, so ‘di pa ako nakakarelate. Minsan pinagtatawanan pa namin ng kapatid ko kapag may naghahalikan o nagyayakapan sa TV. Ibang usapan na kapag nakita mo ang sarili mong magulang na naglalabing-labing. Bunso ako sa pamilya kaya nung bata pa ako katabi ang mga magulang ko na matulog. May isang madaling araw, nagising ako kasi parang gumagalaw ang kama. Pagtingin ko gumulong-gulong na magulang. As in mega-ewww at awkward moment.
‘Di ko rin maalala kung ano ang sinulat sa tanong na “Who’s your first crush?” sa mahigit isandosenang slumbook na pinasagot sa akin ng mga babae kong classmate. Alam ko dun sa tanong “Who’s your first love?” sinulat ko ang walang kamatayang sagot na “God and family”. Siguro kung may slumbook ang mga beki ngayon, lahat maeexcite sa tanong “Who’s your first sex?” Aminin natin bago ang first love o anupaman, meron munang first sex.
Pero puma-fast forward na ako. Elementary days, halong babae at lalaki ang mga crush ko. Pero iba talaga ‘pag lalaki. Naalala ko ung unang pagkakataon na na-confirm ko na crush ko ang kaklase kong si Michael Lee. Gwapong-gwapo ako sa kanya, maputi at chinito. Wala pa akong kamalay-malay sa sex o pagsalsal nung time na iyon, pero siguro kung gawin niya sa akin yun ay hindi ako papalag. Naglalaro sila ng mga iba ko ring kaklaseng lalaki malapit sa klasrum namin, at papasok naman ako. Dumampis lang yung bola sa binti ko pero siya ang kaisa-isang nagpakita ng concern at nagtanong kung natamaan ako. Syempre kinilig ako. Maski alam ko na baka nag-baitan portion lang si Michael dahil anak ako ng titser at baka isumbong ko siya. Napanaginipan ko pa nga sya ng 3 beses, naghahabulan daw kami at ang background music ay yung kanta ni Ted Ito na Ikaw Pa Rin (syempre early 90s pa yun).
Nung high school, halos puro lalaki na ang mga crush ko, pero wala talaga akong lakas ng loob nun na magparamdam. Wala rin nagtangkang manligaw, siguro kasi intimidated sa akin o masyadong nababaitan. Madalas kasi ako mag-top 2 sa klase, lider sa mga grupo, ang hindi ko lang sinubukan mag-COCC.
Pagtuntong ko ng college, feeling ko di talaga ako ganun ka mature pa emotionally para ma-inlove. Tanong ko sa sarili nun paano ba mag-fall in love? Kelangan ba talaga mahulog ka? Hindi ko ata kaya yung buong buhay ko isusuko ko sa isang tao. Yung “You mean the world to me” na linya ng maraming kanta parang sobra naman ata. May popular na tanong na ano mas pipiliin mo, ang mas mahal ka ng partner mo o ang mas mahal mo ang partner mo? Siguro mas pipiliin ko na mas mahal ako para sigurado ako. Di ko ata rin kaya na maexperience ang maloko ng minamahal. Leo pa naman ako, ma-ego pa rin.
Siguro kung straight akong lalaki, baka naging tradisyonal ako. May makikilala akong girl, magiging friends muna kami, liligawan ko siya. Tapos pag nagwork after 5 yrs, magpo-propose ako ng kasal. Pero iba talaga siguro kapag gay ka. Pa-exit na ako sa kalendaryo pero naabutan ko pa naman ang pagsibol ng online na mga relasyon. Halos sa Internet ko nakilala lahat ng mga naka-date ko, naka-sex, naka-pseudo boyfriend, at mga naging ka-relasyon.
Madali lang kasi halos makakita ng mata-typean. Maski gusto ko yung mukhang matino, minsan mas na-aattract pa rin ako sa magandang katawan, mga daddy type. Hanggang sa mejo di na naging mahalaga na makahanap ng karelasyon, kundi maka-iscore lang at ma-satisfy pansamantala ang sexual needs.
Taong 2006 ako unang nagkaseryosong boyfriend. Maikli lang ang itinagal namin – 5 months. Ganun pala ang relasyon, kaya mahalaga na maranasan din siya ng bawat tao. Hindi lang dahil sa sex o para may makayakap ka sa gabi. Matututunan mong mag-compromise, mag-sakripisyo, umunawa, makinig. Sa kaso ng una kong bf, mejo di ko siguro nakayanin ang “demands” ng relasyon. Sa sunod kong bf, dinanas ko naman ang makaramdam na parang may iba. Parang niloloko ka. Sa pangatlo ko naman naranasan ung feeling na masarap din pala ng kasama mo lang sa bahay yung partner mo. Makakatipid na mas komportable pa.
Naging malinaw sa akin after ng mga relasyon ko na napakahalaga sa akin ng affirmation. Yung pakiramdam na mahalaga ka at may nagmamahal sa’yo. Madalas kasi kung sino crush mo ayaw ka, kung sino naman may gusto sayo di mo naman gusto. Maski alam mo na di pangmatagalan ang tao, naaaattract ka pa rin sa mga ganuon. Siguro nakatulong din na mukha akong matimtimang birhen at mukha akong bata kaya wala masyado nagkakatype sa akin sa mga online cruising site.
Pero past na ang lahat ng ito. Masaya ako ngayon kasi ung karelasyon ko, iniingatan ako. Ramdam ko araw-araw na mahal niya ako, at sinisikap ko palagi na ipakita sa kanya na mahal ko rin siya. Ang exciting sa akin, pwede palaguin ang pag-ibig. Bawat araw nadidiskubre ko na pwede ko pala siyang mahalin ng higit pa kaysa dati. Syempre andun pa rin yung mga di-pagkakaunawaan, banggaan ng expectation pero bahagi pa rin naman ito ng patuloy na pagkilala namin sa isa’t isa. Basta alam ako nasa ligtas na lugar na ako, at dito ako dinala matapos ang lagpas isang dekada kong paghahanap.
Akda ni Alyas Skinny Jeans