#5 Lovestruck 2014: Ang Valentine Cha-cha ng Buhay

Lovestruck PosterMinsan ang lovelife, parang sayaw lang iyan. Minsan, in-sync kayo sa choreography ng kasayaw mo. Minsan, kaliwa pareho ang paa niyo pero pinipilit niyo pa ring umindak. Minsan naman, ‘yung isa lang ang magaling at nagli-lead at tagasunod lang ang isa para di matapilok. Minsan naman,nagkakatamaran na kayong magsayaw kaya inaantay niyo na lang ang pag-fade out ng kantang ginagalawan ninyo. Minsan naman, bigla kayong aayaw sa galawan at aalis na lang sa dancefloor kahit di pa tapos ang tugtog na nasimulang sayawan. Give and take, ikaw muna bago siya, paurong-pasulong, paikot-patagilid, pailalim-paibabaw, patalon-pahinto. Iba-iba ang tono, iba-iba rin ang kembot. Ganyan minsan makipagrelasyon sa babae kung ikaw ay kapwa babae rin.

Valentine’s Day na naman. Napapaisip tuloy ako. Ano na naman kaya ang sayaw ng buhay ko ngayong araw ng mga palasak na commercial commemoration of feelings na ito? (‘Sensya na, halata bang di ko bet ang VDay? Di naman mashyadow.) Actually, mas masaya siya, teh. Single ako ngayon at wala akong balak gumawa ng “mema-date” — ‘yung maghahabol ba ng date para lang magkaroon ng date for the sake of Valentine’s dating. Hindi ko naman din gawain itong VDay date-VDay date na ito, kahit may jowa ako. Ang paniniwala ko kasi, kung may mahal kang kasama sa buhay, araw-araw dapat parang Valentine’s Day ang samahan ninyo. Kasi kung hindi…well, para saan pa ang buhay lovelife? Alangan namang nagsasama lang kayo out of obligation (eeew, so hetero marriage-like) o kaya nagsasama lang kayo out of habit or dahil ang tagal niyo nang mag-jowa (like more than a decade, ganyan) kaya tiisan na lang ba. Labo naman nun. Pero sabagay, kanya-kanya rin tayong chever kung paano magpatakbo ng lovelife. To each her own.

Masaklap lang minsan kasi sa panahong ganito, minsan napapaalala sa mga single na we are on our own nga pala at walang katuwang sa buhay (cue lola Eponine: On my own…handa, awit!). May iba na dedma lang dito, may iba na nagre-react. Nung isang araw, isang tila lovelorn kong pinsan ang nag-angst sa Facebook. Bakit daw may special day ang mga couple samantalang ang mga single wala daw. ‘Yung ibang single kasi, imbes na Valentine’s ang sine-celebrate, Happy Freedom Day daw ito para sa kanila. Minsan nga naman kasi, para kang nakakulong sa iisang dancefloor ng buhay na pangit minsan ang patugtog ng DJ kung di kaaya-aya ang buhay-couple mo. May masasaya sa dancefloor nila, may mga ayaw na. Kaya minsan, huwag sana nating kainggitan ang hindi single. Tulad nga ng sagot ng kapatid kong single sa pinsan kong iyon, isang araw lang meron sa isang taon ang mga couple. Pero kaming mga single, aba, 364 days ang meron for celebration. Kaya tara nang umindayog! Devah?

Napapa-flashback tuloy ako sa mga nakaraan kong Valentine’s. Last year, nasa isang LDR ako. Long distance relationship ito para sa mga di nakakaalam. Nasa abroad ang jowa ko at nandito ako sa ‘Pinas. Mahirap ang sayawang iyon. Saktong kaka-indak ko lang sa One Billion Rising event noon nang nagkaroon kami ng exchange of emails, na para kaming magbi-break na dapat, isang araw bago dumating ang Valentine’s 2013. Nagkita kami at naproseso ang sayawan namin. Pero matapos ang limang buwan ng sapilitang pagtitinikling sa mga isyu namin sa buhay, wala ring kinauwian ang sayawang iyon kundi sa hiwalayan. Pero maluwag ang loob ko sa pangyayari at masaya akong natapos na ang tugtugang iyon. Noong 2012 lang naman kasi nagsimula ang sayawan namin kaya di rin masakit masyado sa loob nang nagtapos ang indakan. Isang linggo bago mag-Valentine 2012 iyon, nagkita kami sa Singapore to meet halfway at harapang maproseso ang nabubuo sa amin. At matapos ngang mag-date sa Wicked doon, saka kami nag- decide to defy gravity ang peg. Pero sad to say Elfaba, she’s not that girl talaga pala for me. Kebs.Larga-larga na lang ulit ako sa Emerald City ‘pag may time.

Beauties in Motion by Joani
Beauties in Motion by Joani

Noong 2011 naman, haba lang ng hair ng lola mo. May nakasayawan akong foreigner, puti, bisita sa bansa. Pareho naming pinagtatawanan ang mga commercially-driven “holidays” na ganito, pero laking gulat ko nang binigyan niya ako ng bulaklak, card at stuff toy noong araw ng mga puso,with a dash of irony. Isang linggo matapos ang Valentine’s 2011, naglagi kami sa beach at doon nagkasubukan kung ano ang maaari pa naming isayaw bago siya umalis pauwi sa kanila. Masaya rin naman ang kaganapan. Kakaibang dance partner ang isang iyon. Good while supplies last lang ang peg.

Iba naman ang sayawan ng Valentine’s 2010. Iyon at VDay 2009 na yata ang pinakamasayang VDay ko ever. May karelasyon ako, halos dalawang taon kaming tumira sa bahay ko, pero nauwi rin sa wala ang sayawang iyon. Pero ayos lang. Ang naaalala ko lang, ang taong ito ang nagbigay sa akin ng sweetest Valentine dance ever. Gumawa siya ng art project na parang Art Angel lang ang peg: mga I-love you kyeme with lollipop heart candy at kung anik-anik pa. Kakatuwa naman ang isang iyon. Puwede palang ganun ang Valentine dance, sweet at caring. Pero kahit ano mang pilit kong patagalin ang relasyong iyon, wala ring magandang kauuwian dahil sa masaklap na ginawa niya sa buhay niya, na nakaapekto sa buhay namin. Oh well papel. Saka ko na lang ikukuwento iyon.

Iyon lang naman yata ang mga memorable kong Valentine moves nitong mga nakaraang taon ng buhay ko. Noon naman kasi, di ko nga pinapansin ang Valentine na iyan. Pero ngayon, naaalala ko lang itong ilang VDay ng buhay, hindi dahil gusto ko ulit nun, pero siguro iniisip ko iyon dahil may mga kailangan pa akong matutunan sa buhay ngayon. Sa larangan ng pagsasayaw sa tunog ng pag-ibig, iisa lang ang tumataginting na lesson learned talaga – magsayaw lang ng magsayaw, beks. Hayaan na lang ang universe na patugtugan kang muli ng mga bagong rhythm sa buhay, dance partner or no dance partner. Enjoy life while supplies last.

Sabi nga nung quote: “If God is a DJ, life is a dancefloor. Love is the rhythm. You are the music.”

Indak lang, beks. Dance like no one’s watching.

As always.

Akda ni Libay Linsangan Cantor, VDay 2014


Open Table MCC is a church for all, including LGBT+ people. All are welcome! Sign up for our newsletter to receive the latest news and events from our church community.

One thought on “#5 Lovestruck 2014: Ang Valentine Cha-cha ng Buhay

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *