#6 Lovestruck 2014: The Art of Moving On

Lovestruck Poster“Healing is a process, Korina.”
Ateng Kristeta

Move ON!
Yan ang sabi sayo ng mga friends mo matapos ka hiwalayan o makipag hiwalay sa isang ex. Parang ang dali daling sabihin di ba? Pero sa taong nasa ganung sitwasyon, ang hirap. Ni hindi mo alam saan magsisimula o anong uunahin mo. Iiyak ba? Magdadrama? O sabay sabay na?

Ako man ay nakaranas na rin ng hinanakit at hinagpis sa naunsyami o nasawing pag-ibig. My longest relationship was 10 years all-in-all. Away-bati hiwalay-balikan kasi ang drama namin kaya you may think eksperto na ako sa moving on na yan pero hindi eh. Wala din sa tagal ng pinagsamahan. My last one only lasted a month, pero pareho pa din ang sakit at ang pinagdadaanan. Well, maybe shorter ang period pero ganun pa rin ang intensity ng pain.

So ano nga ba at paano yang ‘Moving On’ na yan at kay daling sabihin ngunit kayhirap gawin? Meron bang secret formula? Gamot? Naiinom, pinapahid o inaaply para maka move on nga?

Ayon sa mga dalubhasa dumadaan tayo sa mga stages of grief na kung tawagin ay DABDA. Pinaiksi ito ng Denial, Anger, Bargaining, Depression and finally Acceptance. Ito daw ang mga stages na dapat pagdaanan ng tao kapag nakaka experience sya ng grief o loss. Ganito daw yun.

D – Denial
Hindi ka makapaniwala at sa sobrang shock mo na ang taong minahal mo ng bongga ay magagawa sa’yo to. Ayaw mag register sa brain! It cannot be, borrow one from three, carry two! Hindi ka makapaniwala dahil sa lakas ng pagsabog sa mukha mo ng pangyayari kaya ang utak mo at psyche ay magdedetach ng slight na slight at idedeny nya na nangyari ang bagay na ito. Yung sinabi ko sa self ko, ‘ay hindi, joke ito. Mahal ako ng taong ‘to, hindi nya magagawa sakin to. Maya-maya lang sasabihin na nya na hindi chika lang.’ Andito na yung Aversion o pag iiwas sa isyu. Teka lang, mag flappy bird muna ako bago ko isipin. Ayaw mo kausapin at pag usapan? Yung tipog hindi ko maubos maisip bakit nagawa nya yung ganun sa akin. Confused lang sya, one time lang ‘to. Maaayos ‘to! Mamaya tulog lang pag gising ko okay na!

A – Anger
Galit galit na teh! Sa stage na to pwedeng galit ka sa ex mo, galit ka sa barkada nyang kunsintidora, galit ka sa nang-akit at nang-agaw sa kanya, sa sarili mo, sa nanay mo, sa pastor, sa kapitbahay, sa letcheng teddy bear na bigay nya, sa love song na tumutugtog sa radio, sa mundo, at malamang lamang, sa Diyos. Ito yung stage kung saan, warla lung warla! Gyera na to! Sugod kung sugod! Yung tipong pakingshet naman, suntukan na! Wag mo kong kausapin at baka sa’yo ko mabuhos tong ngitngit sa loob ko! Angry birds ka bale, ganun!

B-Bargaining
Sa stage na to, tawaran ang peg. Pwede bang ganito na lang instead of ganito? Babalikan ko sya kung ganito. Gagawin ko ‘to basta, kapalit ay ganyan. Dito sa stage na ‘to, Divi-Baclaran ang peg. Nakikipagbaratan ka sa sitwasyon at iniisip mo kung pwedeng madala pa sa negosasyon ang lahat.Nasabi ko na rin sa sarili ko, ipramis nya lang na di na mauulit, iwanan nya lang yung pangit na yun, o ipaharap nya lang sakin, pwede pa. O nyung iisipin ko na, sana ito na lang na kind ng pain, wag na ‘to.

moving-on

D-Depression
Ito ang pinakanakakatakot na stage. Dito, rock bottom na teh! Hindi naman lahat nauuwi o kailangang mag ‘clinical depression.’ Hopefully nga hindi dahil malaking problema yun. Dito yung depress-depressan emote-emotan na stage. Ito yung ‘pusong bato’ syndrome kung saan ‘di na makakain, di rin makatulog’ drama. Ito na yung wala ka nang gana sa mga bagay bagay at medyo nega negahan na ang lahat. Medyo bluer than blue na rin ang peg. Ito yung pinaka lowest moments mo. Sa puntong to, wala na akong naiisip. Wala nang kulay ang world, at mega heavy drama na pero wala na ring luha na lumalabas. Wala na akong ganag pumasok o magsulat o gumising o kumilos. Wala. Wala nang point gawin ang mga bagay na ginagawa ko o halos wala na ring sense yung mga bagay na dati ay nakapagpapasaya sa akin. Kahit ang pinakamamahal kong pagsusulat ng mga tula at pagbabasa, wala, wala nang magic. Hindi kaya ng Magic Sarap! Wala na yung joie de vivre! Dito lang ako. Ayoko mag isip, ayoko mag rationalize ayoko! Imma just stay here, yung ganung drama! Or pwede ding pariwara na ‘to! Seryoso ako so, dahil jan, magpapakapokpok na lang ako. Lahat ng magpapakita ng motibo o kahit ako pa ang lalapit gow! Dedma na sa letcheng love na yan! Yung mga ganung drams!

A-Acceptance
Bilang huli ito na yun! This is it! Ito ang goal ng lahat ng nagmu-move on. Ang acceptance ay isang form of surrender na y un nga, nangyari na. Accept. Dito pa lang sa stage na ‘to magsisimula ang makulay at walang kasing liberating na moving on. ‘Pag tanggap mo na, mas nakakapag-isip ka na ng maganda at maayos, at sisimulan mo nang walisin at ayusin ang buhay at harapin ang bukas. Forgive mo na sya, at mas importante, forgive mo na din ang self mo. Healing na!

Akala ko dati, yung stage na to, ito yung parang mala ‘waiting to exhale’ na eksena. yung tipong may baba na ray of light sa kalangitan at mag do-dawn upon you ang ‘epiphany’ at mapapasigaw ka ng EUREKA! Pero hindi ganun ang nangyari sa akin. Yung tipong araw araw, check ka ng check sa pintong nakakandado, gusto mo makawala na sa kwartong yun, papagurin mo ang sarili mo kakahanap ng malulusutan pero wala. Then isang araw, pagsandal mo sa door, ay bukas na sya. Tapos wala lang, lalabas ka lang. Tapos maglalakad. Yun. Nakawala ka na pala. Walang heavy drama musical scoring. Walang ganun. Basta ayun na. Nakalabas ka na. Okay na! Lakad ka na lang ng lakad. Ganun pala yun.

Parang napakasimple lang pero hindi lahat linear o sunod sunod. Pwedeng magpabalik balik ka sa mga stages hanggang mapunta na sa acceptance. Ang iba halos di dinadaanan ang isang stage kasi super saglit lang sila halimbawa sa Anger. Super saglit sa bargaining. Yung ganon. Normal lang naman daw to basta hindi prolonged ng masyado. Sabi ng iba, pag tumagal ng mahighit 6 months daw ang period ng grieving, OA na. May nagsasabi naman na ang pag move on, half of the whole relationship daw. Parang wait, kung sa unang pormula 6 months? After nung 10 years? Parang ang igsi naman? By the second formula, 5 years? Parang portugal ha! Sa kaso ko, it took me 4 years to be okay. Mali nga lang dun sa four years na yun, nakipagrelasyon ako sa iba, and in hindsight, masasabi ko, although hindi major factor, pero factor pa din na hindi pa pala ako okay. Rebound pala ang iba, and it didn’t help na hindi rin masyadong maganda ang mga sumunod – oh but that’s another topic for another day.

31525_20130531_171746_moving_on_32Ang proseso ng pagmumove-on ay kasing “saya” (?) ng proseso ng pagfo-fall in love. Kung mamaximize ng tao ang prosesong ito, mas magiging matatag syang tao. Kung hindi minamadali ang pag fall, hindi rin dapat minamadali ang moving on. Steady lang dapat. Alam dapat ang tamang pacing. Nasabi kong masaya ang proseso kasi ito yung chance na mas makilala ang sarili ko at mas bigyan ng pansin ang sarili ko. Sa stages na ito din ako nagkakaroon ng chance maging pabigat at papansin sa mga friends ko, kasi nga heartbroken ako, so obligasyon nilang aliwin ako. Hehehehe. Dito ko rin nalalaman kung paano at gaano ako katindi at kalalim mainlababo. Wala daw sa tagal, nasa kalidad ng pag mu-move-on. 2 days nga lang nasa Depression ka na pero bukas balik anger pala. Kung kailangan maging bitter GO! Kung kailangan WARLADERA go! Ang importante, we don’t lose ourselves in the process. At the end of the day, nalalaman ko, kaya ko palang magmahal. Mas importante, kaya ko pala ang ganito, so next time (please naman utang na loob wag na, last na parang awa na!) alam ko, magsusurvive ako. Alam ko KERI KOH TOH!

Single ulit ako. Nakakaurat mang isipin at sana hindi ko na ulit kailangang mag DABDA sa next na mamahalin ko, pero magkaganun, alam ko, that, too shall pass. Iibig muli ako. Magmamahal. Kasi yun ang nature ko. Ginawa ako para magmahal at mahalin. Kung semplang man ulit yun, aba salamat sa DABDA at sa kabitteran! Salamat sa kape at yosi at pagsusulat ng tula. Salamat sa mga tunay na kaibigan at sa walang hanggang pagkakataon na magmahal muli. Go lang ng go! Love lang ng Love!

MABUHAY ANG MGA BITTER!

Akda ni Luis Batchoy


Open Table MCC is a church for all, including LGBT+ people. All are welcome! Sign up for our newsletter to receive the latest news and events from our church community.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *