Integridad at Katapatan
Sa kabila ng political na kulturang meron tayo, nanatiling isang mataas at hindi mababaleng kwalipikasyon ang integridad at katapatan sa anu mang public office sa ating gobyerno. Merong pag-pipilian hindi man kilala, popular at wala mang makinarya o pera, may mga kandidatong gustong magsilbi ng tapat at totoo sa ating bayan. Sila dapat ang ihalal at iboto natin.
Track Record ng Pagiging Maka-Bayan at Maka-Masa
Pag sinabing Track Record, hindi eto iilang buwan o taon lamang. Sa kanilang naging karera sa loob o labas man ng pulitika at gobyerno, sila ba ay may consistent na track record sa pagiging maka-bayan at maka-masa? Naging normalidad na sa ating politika na tuwing nalalapit ang eleksyon, duon tila nagpapalit anyo ang mga politiko at gumagawa ng mga gimik at kampanya (bago pa man ang mismong campaign period) para palabasin na sila ay maka-basa at maka-bayan na nalalayo sa katotohanan.
Suriin mabuti ang buhay at karera ng taong gustong maging lingcod-bayan. Sila ba ay may mga programa at policiya nuon at ngayon na talagang nagdudulot ng progreso sa mga mamamayan; Sila ba ay may track record sa sumusunod:
- Quality social service tulad ng Edukasyon at Pangkalusugan (Healthcare)
- naglilingap ng kabuhayan at mga batas at programang nagbibigay ng dagdag na trabaho
- Proteksyon sa kalikasan at kapaligiran, at rumerespeto sa lupa at buhay ng mga katutubo
- Pagsusulong ng kapayapaan;
- Pagtatanggol sa ating territorya at soberenya;
- Programa at mga batas para sa paglingap ng mga kanayunan lalo na ang pagsuporta sa mga magsasaka at mangingisda
- Batas at programa na nagsusulong ng katotohanan at katarungan
- Mga batas at programa para sa mga kababaihan, kabataan at manggagawa
- Pagkikila sa karapatang pantao ng mga LGBTQI+
- Ang pagbuwag sa mga Dynasty at pagsusulong ng mga batas laban sa kurapsyon sa gobyerno
- Mga batas at programa na epektibong tutugon sa kahirapan at Drug menace
- Mga Batas at programang sumosuporta sa ating local scientist, inventors and artists
Partidong Kinabibilangan at Pinanggaligan
Ang isang kandidato ay hindi lamang nirerepresent ang kanyang sarili at hindi lamang kumikilos o nag-iisip ng mag-isa. Sya ay kabahagi ng kanyang partidong kinabibilangan at maski ng mga partidong naging bahagi sya sa mga nakaraang taon.
Ang kandidatong eto ba ay palipat-lipat ng partido?
And kandidato bang eto ay may track record sa pagiging bahagi ng isang partidong may consistent na plataporma na makabayan at maka-masa?
Ang mga partido bang kanyang kinabilangan o partidong ngayon ay kinabibilangan ay may track record sa katapatan at integridad? Meron din bang track record sa pagsusulong ng katarungan at katotohanan? Meron bang ugnayan sa iba’t ibang sector ng bayan lalo na sa mga magsasaka, kababaihan at manggagawa?
Talino at Kapasidad sa posisyong tinatakbuhan
Dapat ang kanyang Talino at kapasidad ay naaakma sa posisyong tinatakbuhan.
Kung Eto ay tumatakbong Vice Mayor, Mayor at Gobernador, dapat meron syang talino at kapasidad bilang administrador at executive na syang nag-oorganize, nagmamanage at nagle-lead ng isang lungsod (City), munisipalidad, o probinsya (provincial government).
Kung tumatakbo naman bilang Congressional representative (Congressman) o kaya naman Senador – eto ay legislative function – eto ay posisyong nangangailangan ng talino at kapasidad na gumawa at mag-analisa ng mga Batas at polisiya at kasama duon at pakikipag-debate at pakikipagtalakayan sa mga kapwa legislators sap ag-babalangkas or pagrerebisa ng batas.
Dapat nauunawaan natin na ang kandidatong iboboto ay na-aakma ang talino at kapasidad sa posisyong kanyang papasukin.
Wag na tayong maghalal ng mga taong hindi naman akma sa posisyon ang kanilang kapasidad.
Wag Bumoto ayon sa Kasikatan, Pangalan, Makinarya o Utang na Loob
Sa ating pag-pili ng mga lingkod bayan, tapusin na natin an gating naka-ugaliang pagboto at pagpili ayon lamang sa kasikatan ng isang politiko. Wag na tayo mamili ayon lamang sa kung gaano nakikilala yung pangalan. Wag na rin tayong boboto dahil lamang sa utang na loob o sa dahil sa partidong kinabibilangan. Wag na din yaong boboto dahil lamang sila ay kamag-anak o kaibigan o dahil tayo ay hinihimok ng kaibigan natin na kamag-anak nung mismong kandidato.
Matuto na tayo mula sa nakaraan at wag na tayong mag-paloko at mag-pauto sa mga kawatan.
Ang Boto mo ay Sagrado
Bumoto tayo ng may pagsusuri. Bumoto tayo ayon sa prinsipyo. Bumoto tayo sa kung ano ba ang mas makakabuti para sa ating bayan at kung ano ang mas makakabuti para mga higit na nangangailangan.
Ihalal natin ang alternatibong mga kandidato na may talino, kapasidad at integridad.
Ating tandaan na ang mga taong ating ihahalal upang maging lingkod bayan ay repleksyon ng kung sino tayo bilang nag-kakaisang bayan.
Tandaan na bawat boto ay sagrado at dapat responsableng ginagampanan.