Semana Santa #2: Usaping Dead Madela

Usaping Dead Madela O Kung Papanong Pag-isipan ang Sariling Pagkategi-Bam Aquino

“If you were to die tomorrow, why not now?”

Nakakaloka pero popular na tanong na katuwaan lang sa mga pakontes sa mga beaucon sa kung saan saang baranggay. Nakakatawa pero kung papalaliman natin, oo nga, pano kung alam mong matetegibam Aquino ka na? Ano ang gagawin mo? Dahil hindi naman tayo kasing prophetic o makapangyarihan tulad ng ating Panginoon para malaman ang takdang oras ng ating pagpanaw, hindi nga natin talaga masasabi kung kalian nga mangyayari ito. Tatlong aspeto kaagad ang pumasok sa isip ko sa usaping ito.

sunrise-Cross-13x19_8630

Game Ka Na Ba?

Unang-una, ang kahandaan natin sa ating pagpanaw. Sa true lang, nakakapangilabot isipin ang sariling kamatayan. Morbid, ika nga. Sino nga ba naman ang gustong pag-usapan ang tungkol sa pagkamatay? Pwede ba? Parang response sa face book friend request – Not now! Bakit nga ba ayaw nating tignan o pag-usapan man lang ang pagpanaw natin, eh sa tutoo lang, sa lahat ng bagay sa mundo, ito lang yata ang tiyak – na tayo ay mamamatay. Napag-alaman ko na isa sa mga ritwal ng mga kasapi ng mga Mason ay ang pagkakaroon ng isang silid na tinatawag nilang ‘Chamber of Reflection.’ Madilim ang silid na ito at natatanglawan lang ng kandila. May mesang may bungo, mga buto, tinapay, asin at asupre. Dito kailangan pagnilayan ng miyembro ang kanyang buhay, kamatayan at ang pagbabago mula sa makalupang katauhan sa pagiging spiritwal. Magsusulat sya ng kanyang napagnilayan. Ang ganitong pagninilay daw ang nagbibigay ng ibayong pag-iisip, kasi kung alam mo na pwede kang mategi ano mang oras, ay pagbubutihin mo at hihigitan mo pa ang iyong pamumuhay sa mundo. Ang pelikulang ‘The Bucket List’ ay ganun din ang tema. Ang pagnilayan kung ano ang pwede pang gawin oras na malaman mong may taning na ang buhay mo. Siguro, swerte na rin na maituturing na kahit papano ay nalalaman mo ang takdang oras, kahit hindi tukoy. Pero para sa atin na walang kaalam-alam, bakit pa ba hihintayin? Sa sobrang kabisihan natin sa kung anu-anong mga ginagawa natin sa buhay, hindi natin namamalayan na baka nga paubos na pala ang oras natin. Sa ebanghelyo, nakasulat ito – “Ako’y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, Ama, iligtas mo ako sa oras na ito? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito.  Ama, parangalan mo ang iyong pangalan”. -Juan 12:27-28 Ang pagkamatay pala ni Hesus dapat ang syang magbibigay luwalhati sa Diyos, dahil ito ang rason kung bakit sya nandito – ang bigyan ng katuparan ang propesiya na nasimulan sa kanyang pagkalalang at pamumuhay. Bilang mga alagad Nya, ang mga buhay ba natin ay nakapagbigay luwalhati at kadakilaan sa Kanya? Ang kamatayan ba natin ay ganun din? Ang tanong ngayon –Game ka na ba kung sakali na ma Dead Madela?

Maala-ala Mo Kaya?

Pangalawang tanong, paano mo gustong maalala pag tegibam ka na? Naaalala ko minsan ang isang Focused Group Discussion sa isang Bible Study Session sa MCCQC. Ito ang tanong na sinubukang sagutin ng lahat ng umattend. Nakauwi na lang ako at lahat-lahat, magpasahanggang ngayon, nananatili pa rin ang tanong na ito sa aking isipan. Paano ko ba gustong maalala ng mga tao? Bilang magaling na kaibigan? Bilang magaling na manunulat at makata? Bilang matapang na advocate? Ano ang gusto kong marinig, kung maririnig ko lang, sa mga eulogy at sa mga chicka ng mga tao sa aking lamay? Sa librong “Tuesdays With Morrie” ni Mitch Albom, kakaiba ang ginawa ng karakter na si Morrie. Dahil nahaharap sya sa isang sakit na may taning na, nagsagawa sya ng ‘Living Memorial’ kung saan ay inimbita nya ang lahat ng mga kakilala nya na siguradong pupunta sa lamay nya, at gusto nyang marinig ang mga sasabihin nito habang buhay pa sya. Nakasulat sa ebanghelyo ang ganito – “Sinabi sa kanila ni Jesus, Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin. Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. At kung ako’y maitaas na, ilalapit ko sa akin ang lahat ng tao.Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay”.– Juan 12:30-33 Kung ganon, ang pagkamatay ba natin ay magdadala ng mga tao sa Kanya? Ang mga buhay ba natin ay sapat na patunay ng tagumpay ng kabutihan para sa iba? Ang tanong – kung maDead Madela ka na, ano ang sasabihin ng mga tao? Ano ang kanilang ‘Maala-ala mo kaya’ sa yo?

Numpetcha Na?

At panghuli, babalik at babalik tayo sa tanong – bakit hindi ngayon? Bakit hindi natin simulan agad agad, as in, now na? Habang may oras pa tayo? Habang kaya pa nating kumilos at gawin ang mga dapat nating gawin? Bakit next week pa? Bakit sa Sunday pa, after magsimba? Bakit hindi ngayon? Sa pelikulang “Scent of A Woman,” ang bulag na Lt. Col Slade, na ginampanan ng magaling at batikang actor na si Al Pacino ay may eksenang nilapitan ang isang magandang dalaga at niyayang sumayaw. Sabi ng babae, hindi daw pwede kasi ano mang minuto, dadating na ang jowa nito. Ngumiti lang si Lt. Col. Slade at sinabing ‘Some people live a lifetime in a minute.’ May mga taong naisasabuhay lamang ang kanilang buong buhay sa loob ng isang saglit o minuto. Sa ebanghelyo, ito ang nakasulat – “Sinabi ni Jesus sa kanila, Kaunting panahon na lamang ninyong makakasama ang ilaw. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw upang hindi kayo abutin ng dilim. Hindi alam ng lumalakad sa dilim kung saan siya pupunta. Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo’y maging mga anak ng liwanag”.-Juan 12:35-36 Habang may ilaw pa at kasama pa natin ang ilaw, dapat ay i-push na natin! Wag na tayong magpatumpik-tumpik pa o maghintay pa sa kung anong hinihintay nating ‘developments.’ Kailangan daw, Now na, agad agad! Ang tanong kasi – Numpetcha na?

Sa pagtatapos, siguro kapilyuhan o kapilosopohan, pero kung ako ang sasagot sa unang tanong sa pagsisimula, ang sagot ko ay ganito – “I’d rather not die today, because I was taught that I should give chance to others!” Pero sa tutoo lang, eh kung now na nga? Pano kung ito na nga ang ‘chance’ mo? Paano kung ‘it’s your time to shine’? Paano kung turn mo nang maDead Madela?

Anekwaboomboomlei?

Akda ni Marcel L. Milliam
Gospel Reference: 
John 12:20-36


Open Table MCC is a church for all, including LGBT+ people. All are welcome! Sign up for our newsletter to receive the latest news and events from our church community.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *