Ngayong pagdiriwang at paggunita ng ating kalayaan marapat nating tanungin ano ba talaga ang itsura at kahulugan ng kalayaan? Ang pinaglaban ba ng mga ninuno natin at mga bayani ay tapos na at nakamit na? O patuloy ba ang ating pakikibaka at pagpapanday ng isang tunay na malaya at makatarungang bansa?
Sa ating kasalukuyang panahon marami pa din ang nakagapos sa kahirapan at pagdarahop. Bahagi ng kahirapang ito ay ang pagkagapos sa mga mapang-abusong mga kumpanya at industriya. Marami pa ring mga magsasaka at katutubo ang inaagawan ng lupa ng mga makapangyarihan. Marami pa ring kababaihan ang nakakulong sa mga mapang-abusong pagsasama. Marami pa rin sa mga LGBTQI+ ang nagkukubli at nasa closet sa takot na sila ay itakwil, saktan o makaranas ng diskriminasyon. Maraming mga OFW ang nagtatangkang lumaya sa kahirapan sa ating bansa sa pamamagitan ng pag-papaalipin sa ibang bansa; minsan pa nga biktima ng human trafficking at mga mapang-abusong employer. Ang ating teritoryo sa West Philippine Sea ay inaakin at tila nasakop na ng bagong imperyalistang bansa. At walang sing papait at sasakit sa realidad na sarili nating kapwa Pilipino na nasa kapangyarihan ang nang-aabuso, nangangamkam, naniniil at pumapatay sa kapwa nya Pilipino, lalong lalo na sa mga maralita at mga aba.
Ang tunay na paglaya ay paglaya hindi lamang mula sa direktang intervention ng mga imperyalistang bansa. Eto rin ay paglaya mula sa lahat ng bagay sa lipunan, simbahan at gobyerno na nagkukulong at tumatanikala sa atin. Ang tunay paglaya ay pagkakaroon ng katarungan, pagkakapantay-pantay, pagtanggap at tunay na pag-unlad para sa lahat ng mamamayang Pilipino.
Ang misyon ng tunay na paglaya ay hindi pa tapos at hindi pa lubos na nakakamtan. Nagpapatuloy ang pakikibaka. Ipinakita sa atin eto ni Hesus. Sa panahon nya sila rin ay nakaranas ng matinding opresyon at pagsakop hindi lamang sa emperyo ng Roma kung hindi mula rin sa sarili nilang mga kababayan at relihiyon. Si Hesus ay nagpahayag at nangaral ng mabuting balita ng paglaya sa gospel ni Lukas 4:18-19. Ang kanyang buhay at ministeryo ay isang pag-oorganisa at pangangaral sa mga pesanteng magsasaka, arawang manggagawa at mga mangingisda. Siya ay naghilom ng mga sugatan at may sakit, hindi lamang ng katawan kung hindi pati ng diwa at ng kaluluwa. Siya ay nag mobilisa ng kanyang mga tagasunod upang gayun din ay mangaral, magpalaya at magbigay pag-asa. Sya ay nangaral ng pag-ibig na tumuturo sa pakikipagkapwa tao at malasakit sa iba. Kanyang hinamon at tinuligsa ang mga naghaharing uri sa templo at sa bayan. Ang Diyos na kanyang pinakilala ay Diyos ng Exodo at ng mga propeta na syang pumapanig at nagpapalaya sa mga alipin at mga mahihirap.
Mula nuon hanggang ngayon, ang tunay na itsura at batayan ng paglaya ay isang bayan at mundong ang magsasaka ay may lupa; ang katutubo ay may pagpapasya sa sariling lupang-ninuno; ang pag-unlad ay nararanasan ng bawat mamamayan sa pamamagitan ng ekonomiyang makatao at makabayan; katarungan at pagkakapantay-pantay sa lipunan,;pagtanggap at pagkilala sa lahat ng mga minorya tulad ng mga LGBTQI+; healthcare, bahay, pagkaen at seguridad para sa lahat.
Bilang taga sunod ni Hesus at bilang Pilipino,
patuloy ang misyon natin tungo sa tunay na paglaya ng bawat Pilipinong
mamamayan; paglayang nakaugat sa katarungan at pag-ibig.
Mag-aral at mamulat
Makipamuhay at makilahok
Makisangkot at mag-organisa
Magmulat at mangaral
Magpalaya at mag-alay ng sarili: para sa kapwa, bayan at kinabukasan.
Sa ngalan ng mga bayani at ninunong lumaban at ni Hesus na humihimok sa atin. AMEN